Sabado, Enero 13, 2018

TECHNOLOGY FIRMS WORKERS IN CALABARZON, PHILIPPINES GAGAWING REGULAR



Manggagawa ng Sci-Tech Firms sa CALABARZON, Gagawing Regular 
 By: Abegail De Vega



May 750 mangggagawa ng iba’t ibang technology firm sa CALABARZON ang gagawing regular matapos makitaan ang kanilang employer ng paglabag sa karapatan ng manggagawa para sa seguridad sa kanilang trabaho.

Sa magkahiwalay na compliance order na inisyu ng DOLE-Regional Office 4A, may tatlong technology company na naka-base sa Laguna– Cirtek Advanced Technologies Solutions Inc., Du Pont Far East Inc., at Fuji Electric Philippines Inc. ang inatasan na gawing regular ang 737 manggagawa matapos na mapatunayan na sila ay nagpapatupad ng labor-only contracting.

Nakita ang paglabag ng kompanya matapos ang sunod-sunod na inspeksiyon na isinagawa ng compliance officer noong nakaraang taon. Ilan sa mga paglabag ang kakulangan ng sapat na kapital sa bahagi ng contractor dahil ang mga kagamitan at kasangkapan ng principal ang ginagamit ng empleyado sa trabahong ikinontrata sa kanila.

Ang principal din ang nangangasiwa at namamahala sa pagtupad ng gawain ng mga dineploy na manggagawa, at kasamang nagtatrabaho ng mga regular na empleyado ng principal at ginagampanan din ang parehong tungkulin na may direktang kaugnayan sa pangunahing negosyo ng principal.

Kabilang sa mga natuklasan ang hindi pagsunod sa Occupational Safety and Health Standards dahil walang balidong lisensiya ang tatlong principal na magpatakbo ng mechanical at electrical equipment.

Wala ding balidong fire safety inspection certificates ang Cirtek Advanced Technologies Solutions Inc. at Fuji Electric Philippines Inc.

Ang Cirtek Advanced Technologies and Solutions Inc. ay isang manufacturing solutions partner para sa telecommunications, satellite communications, at semiconductor test boards samantalang ang Du Pont Far East Inc. ay isang science-driven innovation firm na nagre-repake ng fungicides, herbicides, at insecticides.

Ang Fuji Electric Philippines Inc. ay isang Japanese electronic firm na gumagawa ng power semiconductors at iba pang mahahalagang electronic devices na ginagamit sa industrial equipment, automobiles, information equipment, at new energy.

Inatasan din ng DOLE ang Viewers Mobile Inc., isang mobile provider na naka-base sa Lucena City, Quezon, na bayaran ang benepisyo ng kanilang manggagawa matapos na makitaan na hindi nila ibinibigay sa kanilang mga manggagawa ang benepisyong itinakda ng batas sa ilalim ng general labor standards batay sa pagtatasa ng LLCO. (VerGarciaBlogs)

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento